Rice stakeholders, pinulong ng liderato ng Kamara upang tugunan ang food inflation

Nagkasa ng konsultasyon ang liderato ng Kamara kasama ang ilang stakeholders ng bigas upang talakayin ang pagtugon sa food inflation na kinahaharap ng bansa.

Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang pulong na dinaluhan din ni Appropriations Committee Chairperson Elizaldy Co, Nueva Ecija Governor Aurelio Umali at iba pang opisyal.

Kabilang sa ibinahagi ni Umali na “best practices” ng Nueva Ecija na maaaring magpababa sa presyo ng bigas ay ang pagtatayo ng mas maraming silo o storage para sa palay upang ma-preserve ito mula sa farmgate.

Sa pamamagitan nito ay kakayanin aniyang mapanatili ang kondisyon ng palay sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon hindi tulad ng bigas na mayroong life span.

Ipinaliwanag ng gobernador na sa halip na cash assistance sa mga magsasaka, mas makabubuting ibuhos ang subsidiya sa mga silo at sa proseso ng milling at logistics upang makabawas sa production cost.

Sa hiwalay na statement ay nanawagan naman si Speaker Romualdez sa civil servants na makipagkaisa na upang ipatupad ang mga programa ng gobyerno mula sa national at local levels na magbibigay ng solusyon sa inflation.

Iginiit ni Romualdez na higit sa paghihintay ng harvest season ay panahon na para magdoble-kayod ang pamahalaan nang sa gayon ay agarang maramdaman ng mamamayan ang pagbaba ng presyo ng pagkain.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *