Resolusyon na nagtatakda ng SRP sa farmgate at karneng baboy sa bayan ng Gubat, aprubado na

SORSOGON CITY – Aprubado na ng Sangguniang Bayan ng Gubat sa kanilang 17th Regular Session ang Resolution na naglalagay ng suggested retail price (SRP) sa mga produktong baboy kabilang ang farmgate price ng live hogs. 

Pinagbatayan ng SB Resolution No. 294-S-2022 ang report mula sa Philippine Statistic Authority (PSA) sa buwan ng Abril hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon kung saan ang farmgate price ng buhay na baboy o liveweight ay nasa Php 181.90 kada kilo habang sa datos ng Municipal Agriculturist Office (MAO) Gubat, ang farmgate price ng liveweight ay mula Php110.00 hanggang Php130.00 kilo.

Ibig sabihin, sa kasalukuyang presyo at sitwasyon sa industriya ng baboy ay mga hauler at retailer lamang ang kumikita sa pamamagitan ng pagbili ng mga buhay na baboy sa mas mababang presyo ngunit ibinibenta sa halagang Php230.00 hanggang Php250.00 kada kilo.

Sa pamamagitan ng konsultasyon sa Local Government Unit ng Gubat at lahat ng stakeholder ay nagkaroon ng consensus kung saan ang SRP para sa mga pork products ay ang mga sumusunod; Php170.00 kada kilo para sa mga Live hog na 80 kilos pataas;  Php165.00 kada kilo para sa mga 71 kilos hanggang 79 kilos; Php160.00 kada kilo sa 61 kilos hanggang 70 kilos at Php100.00 kada kilo para sa inahin o “pakal” habang Php280.00 kada kilo naman ang magiging presyuhan ng karneng baboy.

Mababatid na ilang mga bayan na rin sa lalawigan ang mayroong SRP sa mga buhay na baboy at karne nito.