Dismayado ang mga residente ng Barangay Ticol, West District, Sorsogon City sa kinalabasan ng kanilang water system project na pinondohan ng P3M.
Sa kabila kasi ng nasabing halaga na ginamit para sa nasabing proyekto ay hindi pa rin natutugunan ang problema ng mga residente tungkol sa mahinang supply ng tubig.
Ayon kay Chairwoman Zenaida Bolaños, bukod sa posibleng hindi nakuha ng kontraktor ang tamang source ng tubig ay hindi rin nasakop ang kabuuan ng mga ito kung kaya hindi napupuno ang tangke na dahilan naman upang manatiling mahina ang water supply sa mga households.
Aniya, bagama’t wala naman umano silang sinisisi sa naging resulta ng proyekto ay hiling nila na maayos na ito sa lalong madaling panahon para na rin sa kaginhawaan ng kanilang mga residente.
Una rito, nilinaw ng opisyal na ang nasabing proyekto ay hindi proyekto ng barangay kundi ng Pamahalaang Lalawigan sa pamamagitan ng Provincial Engineering Office.
