Hindi umano kukunsintihin ni DOJ Sec.Jesus Crispin Remulla ang palsipikasyon ng mga dokumento sa pagkamatay na may kaugnayan sa iligal na droga at ipinangakong hahabulin ang mga responsable rito.
Idinagdag niya na gagamitin ng Department of Justice ang lahat ng legal remedies nito at susundin ang rule of law sa pagtukoy ng liability ng mga responsable para sa mga bogus death certificate.
Ang pahayag ni Remulla ay pagkatapos na iutos kamakailan ng Court of Appeals’ Fourth Division ang pagtatama sa death certificate ng siyam na taong gulang na si Lenin Baylon kung saan ipinapakita sa kaniyang death records na siya ay namatay dahil bronchopneumonia sa halip na gunshot wound.
Si Baylon, na nasa loob ng isang computer shop noong December 2016 ay namatay dahil sa ligaw na bala nang dumaan ang mga nakamotorsiklong armadong lalaki at pagbabarilin ang dalawang hinihinalang nagbebenta ng droga sa isang mistulang anti-illegal drug operation sa Caloocan City.
Bagama’t nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon, naniniwala si Remulla na ang funeral parlor na nag-isyu ng death certificate ni Baylon ay nameke ng dokumento. Aniya, ang anggulong ito ay kabilang sa mga titingnan ng National Bureau of Investigation.
Bukod sa kaso ni Baylon, sinisiyasat din ng mga imbestigador ang siyam na iba pang kaso ng “wrongful death” na may kaugnayan sa anti-drug campaign ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
