Naisumite na ng Department of Justice sa Anti-Terrorism Council ang rekomendasyon na ideklarang terorista si suspended Cong. Arnolfo Teves Jr.
Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, nagpulong kahapon ang ATC ukol sa usaping ito at may mga tanong na ibinato sa kagawaran kaugnay dito na nasagot nila dahil handa umano sila sa anumang legal challenge.
Naniniwala si Remulla na pasok sa elemento ng terorismo kaugnay ng anti-terror act ang ginawang pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Bukod kay Teves, may apat na iba pang maaaring maisama sa deklarasyon bilang terrorist. Kasama na rito ang tinawag ni Remulla na casting director sa pagpatay kay Degamo na si Marvin Miranda.
Sakaling maideklarang terorista, posible na umanong lumiit ang mundo ni Teves dahil maaari nang i-enroll sa UN list of terrorist ang isang deklaradong terorista at maaari nang arestuhin kahit saang bansa.
Sinabi pa ng opisyal, malapit na rin isampa sa korte ang mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder, multiple attempted murder laban kay Teves.//CA