CAMARINES SUR- Dumarami na naman ang bilang ng mga nagrereklamo ukol sa text scams na natatanggap ng mga common users sa Camarines Sur. Karamihan pa sa mga users, sinasabing tila walang saysay ang isinagawang sim registration noon.
Napag-alaman ng Brigada News FM Naga kay Department of Information and Communication Technology (DICT) Camarines Sur Provincial Director Pinky Nepomuceno na may mga pagkakataon na halos wala na silang naririnig na reklamo ngunit dahil sa bagong labas na Electronic Sim (ESim) ng isang telecommunication company lumolobong muli ang mga reklamong natatanggap nila sa text scams. Bukod kasi sa madali itong makuha, mas mura rin ito kumpara sa tradiyunal na simcard.
Binigyang diin ni Nepomuceno, na malaking tulong sana ang ESim para hindi na bumili pa ng tangible sim at magkaroon ng easy access lalo na sa mga inidibidwal na kailangan ng multiple simcard para sa kanilang trabaho ngunit dahil mas madaling mabili at makuha, sinasamantala rin ito ng ilang users lalo na ng mga scammers. Suhestiyon ng opisyal sa mga telco companies na dapat limitahan lamang ang pagpapalabas at pagbebenta ng ESim manatiling under control ang users nito at mabawasan muli ang pagdami ng text scams.