Isang babae ang na-aresto sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ilegal na pagpapadala ng mga Filipina sa ibang bansa upang maging surrogate mothers.
Ayon sa NBI, patungo sanang Thailand nang maharang ang suspek na si Freezle Rose Balando kasama ang tatlong Filipina.
Nang isailalim sa immigration inspection, sinabi ng tatlong Pinay na kasama ng suspek na sila ay magkaibigan lamang at pupunta sa Bangkok para sa anim na araw na tour.
Subalit, isinailalim ulit sila sa secondary inspection matapos mapansin ang ilang hindi tugmang detalye sa kanilang mga pahayag at hindi maipaliwanag nang maayos ang kanilang relasyon sa isa’t isa at ang tunay na layunin ng kanilang pagbiyahe.
Kalaunan, inamin ng dalawa na pupunta sila sa Thailand upang maging surrogate mothers sa pamamagitan ng in-vitro fertilization (IVF) kapalit ng $8,000 hanggang $10,000.
Sinampahan na si Balando ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Samantala, sinimulan na ng Department of Justice ang imbestigasyon ukol sa surrogacy scheme matapos masagip ng mga lokal na awtoridad sa Cambodia ang 20 Filipina, kabilang ang 13 na buntis, na biktima ng sindikatong gumagamit ng mga dayuhang kababaihan bilang surrogate mothers, kahit na bawal ang surrogacy sa naturang bansa.