Hindi matitiyak ni House Committee on Public Accounts Chairman Joseph Stephen Paduano na walang mangyayaring contempt citation sakaling magdesisyon si dating Pangulong Rodrigo Duterte na humarap na sa pagdinig ng Quad Committee.
Ayon kay Paduano, nakasalalay sa ikikilos at mga sagot ni Duterte ang kahihinatnan ng imbestigasyon kaya hindi ito maaaring pangunahan.
Pero ginarantiya nito na ibibigay ng Kamara ang pinakamataas na paggalang sa dating pangulo sa sandaling dumalo na ito sa Quad Comm hearing.
Paliwanag ni Paduano, walang magbabago sa preparasyon ng mega-panel kapag nagpakita na ang dating punong ehekutibo at ituturing siya na resource person.
Nilinaw din ni Committee on Human Rights Chairman Bienvenido Abante Jr. na hindi naman nila inaakusahan si Duterte kundi iniimbitahan lang upang bigyang-linaw ang isyu sa extrajudicial killings.
Handa naman aniya ang mga kongresista na makinig sa “educated answers” lalo na patungkol sa war on drugs na sinasabing pumatay ng libu-libong indibidwal samantalang buhay pa ang mga drug lord at kung nabigyan ng due process ang mga suspek alinsunod sa Konstitusyon.
Dagdag pa ni Quad Comm overall chairman Robert Ace Barbers, inirerespeto nila ang karapatan ng bawat resource person na sumasalang sa pagdinig taliwas sa pambabatikos ng ilan.