SORSOGON CITY – Mismong ama ng biktima ang kumilala sa kanyang anak na babae na natagpuang palutang-lutang sa karagatang sakop ng Brgy Coron-coron, Matnog, Sorsogon.
Sa ulat na nakalap ng Brigada News FM-Sorsogon, ang ama ng biktima na si Ginoong Andres Rota Oliva, 45-anyos, karpintero at naninirahan sa Brgy Magsaysay, Bobon, Northern Samar ang personal na pumunta sa himpilan ng pulisya at kinilala nito na ang biktima ay ang kanyang anak na si Janice Bantayan Oliva, 11-anyos, Grade 6.
Sa salaysay ni Ginoong Oliva, ang kanyang anak kasama ang kanyang dalawang kapatid na babae at pinsan ay umalis nang walang paalam noong Mayo 29 ng hapon ng kasalukuyang taon upang maligo sa dagat subalit hindi na ito nakabalik ng bahay.

Pinaniniwalaan umano na ito ay nalunod. Nagsagawa naman umano ng search and rescue operations ang PDRRMO Northern Samar subalit nabigo ang mga ito na makita ang katawan ng biktima at pinaniniwalaang naanod ng malakas na alon at masamang kondisyon ng dagat.
Lumabas naman sa awtopsiya ng mga labi ng biktima na ang posibleng kamatayan nito ay ‘fish at shark attack’ ng mga vital organs nito.
Ayon sa post-mortem findings ni Municiapl Health Officer Dr. Rossana Galeria ng RHU-Matnog, wala na itong ulo, leeg, dibdib at lung cavity. Wala na rin itong ribs o tadyang, spine o gulugod at pelvis.
Ang biktima ay nakilala ng kanyang mga magulang sa kanyang natitirang suot na dilaw na short at bracelet.