Puso ng baboy, muling ginamit sa dalawang pasyenteng sumailalim sa ‘heart transplant’

Bilang bahagi ng malawakang pag-aaral dahil sa kakulangan ng mga heart donor sa buong mundo sumailalim ang dalawang itinuturing na brain-dead patients sa heart transplant gamit ang puso ng baboy.

Ang operasyon ay isinagawa sa New York University pero ang ginamit na puso ng baboy ay galing sa Revivicor, na sumailalim sa tinatawag na genetic engineering para tiyaking angkop ang mga nasabing puso sa katawan ng tao at sa paglalagyan nitong pasyente.

Sa pamamagitan nito ay umaasa ang mga eksperto na magiging matagumpay ang isinagawang operasyon para mapunan ang problema sa mga heart donors at higit sa lahat ay makapagbigay ng dagdag na pag-asa sa mga taong may sakit.

Matatandaan na noong Enero 2022 matagumpay na sumailalaim sa heart transplant gamit ang puso ng baboy ang isang pasyente na kinilalang si David Bennett Sr. pero matapos ang dalawang buwan ay pumanaw ito.

Hindi pa malinaw kung bakit namatay si Bennett pero hinala ng mga eksperto namatay ito dahil sa namataang porcine cytomegalovirus na isang uri pig virus sa kanyang dugo. ### KENNETH BERMIL, Intern