BICOL— Tumanggap ng “Medalya ng Papuri” si PMSg Catherine Llasos Surban, mula sa Police Regional Office 5 dahil sa ipinakita nitong malasakit at kadakilaan matapos na pasusuhin ang isang sanggol na umano’y inabanduna ng kanyang ina sa bayan ng Virac, Catanduanes.
Iginawad ang parangal sa nasabing opisyal nitong araw ng Lunes, Hunyo 28 kasabay ng flag raising ceremony sa himpilan ng Virac Municipal Police Station.
Ayon kay Surban, bilang isang ina ay hindi niya matiis ang umiiyak na sanggol na dinala mismo ng sariling ama nito sakanilang himpilan dahil hindi na nito malaman ang kanyang gagawin.
Naisip ng opisyal na marahil ito ay nagugutom kaya’t kinuha niya ang bata mula sa ama saka dinala sa pribadong kwarto ng kanilang himpilan para doon pasusuhin.
Matatandaang matapos na mag viral sa social media ang ginawang kabutihan ni Surban, umani ito ng papuri at paghanga mula sa mga netizens at ayon sakanila, sana ay mas dumami pa ang katulad ng naturang opisyal.###