NAGA CITY – Pinag-iingat ng Naga City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang publiko sa posibleng pagsisilabasan ng mga ahas ngayong tag-init.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Engr. Dan Cea, Admin Officer ng Naga CENRO, base sa pinakahuling monitoring, wala pa naman silang nahuhuling ahas at wala pa man ding nairereport sa kanila na nakakuha at nagturn-over ng ahas. Ngunit nito lamang Linggo, Marso 3 taong kasalukuyan, may namataan at nadakip nang dalawang ahas sa Barangay Tinago sa nasabing lungsod. Ang mga ahas, nakuha sa loob ng Tinago Elementary School.
Madalas na naninirahan ang mga ahas sa mga madadamong lugar at maraming tambak na basura kung kaya’t payo ni Cea na ugaliing maging malinis sa kapaligaran. Hindi lang aniya makakaiwas ang mga residente sa posibleng pamugaran ng ahas, maging sa pagbawas na rin sa bilang ng mga sunog sa komunidad.