KORONADAL CITY- INAASAHAN na bago matapos ang kasalukuyang taon o sa unang quarter ng 2022, magkakaroon na ang Philippine Statistics Authority o PSA ng Serbilis Outlet sa Koronadal City.
Ito ang inihayag ni PSA South Cotabato Provincial Statistics Officer Jilmar Grecia matapos na nailipat na sa lungsod mula sa Cotabato City ang PSA Regional Office 12.
Ayon kay Grecia na sa ngayon, patuloy ang paghahanda ng PSA para sa establishment ng Serbilis Outlet.
Oras na maisakatuparan, maaari na itong makapagproseso ng mga civil registration documents katulad ng birth certificate, marriage certificate, death certificate at certificate of no marriage o CENOMAR.
Sa pamamagitan nito, hindi na mahihirapan pa ang mga mamamayan sa pagpunta sa General Santos City upang kumuha ng naturang mga dokumento.
Ang PSA Regional Office 12 ay makikita sa JYSL Annex Bldg., Balmores Street, Barangay Zone II, Koronadal City.
