LEGAZPI CITY – Ipinakikilala ng Philippine Statistic Authority (PSA) ang makabagong E-Phil-ID Philippine Identification System (PhilSys) Information and Education (IEC) regional roadshow upang paigtingin ang pagtanggap ng publiko sa mobile registration ng PhilSys ID, at dalawang taong integration plan na inihanda ng pribado at pampublikong sektor.
Kaya naman, nananawagan ngayon si PSA Albay Chief Statistical Specialist Cecil G. Brodial sa publiko na magpaparehistro na at mag-avail ng E-PHIL-ID.
Ang PhilSys digital ID, kabilang ang E-PHIL-ID ay isa mga makabagong paraan para ma-authenticate ang pagkakakilanlan na magbibigay-daan sa mga nagpaparehistro na matamasa ang mga benepisyo nito tulad ng mas mahusay na access sa mas maraming serbisyong pinansyal at panlipunang proteksyon.
Ayon sa opisyal, maaari itong i-print at magamit dahil nagpapakita ito ng PhilSys Card Number (PCN) at basic demographic information ng tao.
Ito umano ay may kaugnayan sa mga direktiba ng Memorandum Circular No. 95 ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. na nag-uutos sa lahat ng ahensya ng gobyerno, opisina, instrumentalities at mga LGU na maghanda para sa pagpapatupad ng PhilSys at pagsasama nito sa mga proseso ng gobyerno, at mga serbisyo.