Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas ng Tarlac Interchange hanggang Aliaga Station ng Central Luzon Link Expressway sa Tarlac City.
Sa pamamagitan ng 18-kilometer section ng expressway way ay inaasahang mababawasan ang oras sa byahe ng 11,200 na motorista at commuters mula Tarlac hanggang Cabanatuan City mula 70 minutes pababa sa 20 minuto lamang.

Inihayag ng Pangulo sa kaniyang talumpati na hindi lamang magsisilbi ang expressway bilang koneksyon ng mga lungsod ng Cabanatuan at Tarlac, ngunit mapapabuti rin nito ang access sa maraming lokalidad sa Tarlac at Nueva Ecija.
Nagpasalamat naman ang Punong Ehekutibo sa gobyerno ng Japan dahil sa tulong nito na mapondohan ang kabubukas lamang na highway, sa pamamagitan ng P12-billion na donasyon mula sa Japan International Cooperation Agency.
Ipinunto rin ng Pangulo na mapapaikli ng expressway ang commute ng mga tao na papunta at pabalik sa Kalakhang Manila at lungsod ng Cabanatuan.
Nagpahayag rin ang Pangulo ng pasasalamat kay Public Works Secretary Mark Villar para sa mabilis, episyiente, at nasa tamang oras na pagkakakumpleto ng CLLEX.