Tuloy-tuloy ang pag-iikot nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher Bong Go sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.
Sa isang pahayag sinabi ni Go na naglabas na ng kautusan si Pangulong Duterte sa lahat ng kinauukulang ahensiya na tiyaking natutugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Walang tigil din umano ang pagde-deploy ng mga kagamitan, ayuda, at personnel ng gobyerno sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Inihayag naman ni Go na sunod na bibisitahin nila ng Pangulo ang probinsiya ng Palawan na isa sa mga lugar na labis din napinsala ng bagyong Odette.
Nabatid na unang binisita ng Pangulo ang Southern Leyte at Surigao Del Norte noong Sabado, habang nasa Cebu at Bohol naman ang mga ito noong Linggo.
Kahapon matapos ang aerial survey, pinangunahan ni Pangulong Duterte ang situation briefing sa Kabankalan City kasama ang mga lokal na opisyal ng Negros Oriental at Negros Occidental.
