Proseso sa special visa privileges at delayed birth registration, pinaiimbestigahan sa Kamara dahil sa pagdagsa ng Chinese nationals

Nais paimbestigahan ni Deputy Majority Leader for Communications Erwin Tulfo sa Kamara ang delayed registration ng kapanganakan bilang posibleng diskarte kaya dumagsa ang Chinese nationals sa Pilipinas.

Sa House Resolution 1771 na inihain nina Deputy Majority Leader Tulfo, Representative Ralph Tulfo, Representative Edvic Yap at Representative Eric Go Yap, hiniling nila ang pagsasagawa ng pagdinig ukol sa proseso ng pagkakaloob ng Special Resident Retiree’s Visas at Special Investor’s Resident Visa gayundin ang delayed registration of birth.

Ipinunto ng mga kongresista na nagdulot ng pangamba ang paglobo ng bilang ng Chinese nationals na naninirahan at nagtatrabaho sa bansa na maaaring makaapekto umano sa labor market dynamics, public order at pambansang seguridad.

Read More:  VP Sara Duterte camp vows full cooperation in Senate impeachment trial

Binanggit ng mga ito ang naitatalang krimen tulad ng human trafficking, scamming, kidnapping, illegal detention at prostitusyon sa POGO hubs na iniuugnay sa pagdami ng Chinese nationals.

May mga proseso at pribilehiyo anila na nagpapahintulot sa mga dayuhan na maglabas-masok sa Pilipinas at manatili para magtrabaho, mamuhunan o magretiro at ito ay sa pamamagitan ng SRRV at SIRV na ipinagkakaloob ng Philippine Retirement Authority at Board of Investors.

Read More:  “Tapos ang boxing”? Sen. Tulfo confirms fresh talks to replace Senate President Cayetano

Giit pa nina Tulfo, bagama’t ang intensyon ay para sa lehitimong layunin sa ikasisigla ng ekonomiya sa bansa, maaari umanong maabuso ang pribilehiyo lalo na ng Chinese nationals na nais mag-avail ng exemption mula sa immigration requirements at taxes and fees na magbibigay ng pagkakataon sa kanila para magtrabaho, mag-aral at malayang makipagtransaksyon sa gobyerno.

Kasama rin sa sisilipin sa inquiry in aid of legislation ang delayed registration of births partikular sa mga dating kumandidato o kasalukuyang may posisyon sa gobyerno gaya ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo upang masiguro ang authenticity ng personal records at maiwasan ang panlilinlang sa mamamayan.