CAMARINES NORTE – Matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang exhibit at pag-showcase ng mga produktong gawa sa niyog at kakaw ng DTI na ginanap noong Biyernes, July 7, 2023 sa Ayala Malls ng Legazpi, Albay at kabilang sa trade fair ang probinsya ng Camarines Norte.
Ang nasabing exhibit ay proyekto ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) na magtatagal ng tatlong araw at nakilahok ang 40 MSMEs o ang Micro, Small and Medium Enterprises na kabilang sa nakilahok ang probinsya ng Camarines Norte.
Ang mga produktong gawa mula sa Camarines Norte ay ang mga Special Coco Jam, VCO, Pineapple Vinaigrette, Coco Lamps, Coco Clock, Coco Vinegar, Coco Sugar, Dark Choco, Cocoa Tablea at marami pang iba na maipagmamalaki ng probinsya.
Layon ng nasabing exhibit at ng ahensya na makapagbigay ng promosyon at maipagpatuloy ang pagpapa-unlad sa mga nakilahok na 40 MSMEs sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t-ibang tulong kagaya ng interbensyon o pinansyal, marketing, human resource development, product development at adbokasiya sa mga produkto.
Iba’t-ibang mga ahensya ang nakilahok at naging kaagapay ng DTI at ng CFIDP at ang nasabing exhibit ay kabilang sa selebrasyon ng National MSME Week 2023 ng DTI.
