LEGAZPI CITY – Inihayag ng Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) Bicol na bumaba ang produksyon ng abaca sa taong 2021 kung ikukumpara sa taong 2020.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PhilFIDA Bicol OIC Director Mary Anne Molina, sinabi niyang batay sa datos noong 2020, umabot sa 21,946.23 metric ton ang production level ng abaca sa rehiyon, ngunit bumaba sa 19,838.70 metric ton sa taong 2021.
Aniya, kung babalikan nong 2019, sunod-sunod na bagyo ang tumama sa rehiyon na nagdulot ng crop loss na tinatayang aabot sa 1,827.29 metric ton base sa kanilang crop assessment report.
Dagdag pa ni Molina, ang mga abaca na pananim, kapag nasira lubos man o bahagya, ay tinatayang 18-24 na buwan bago makarekober, kung kaya’t taong 2020-2021 ang nakatalaan bilang recovery period ng abaca.
Sa kabila nito, masaya paring inanunsyo ng PhilFIDA na kahit pa sunod-sunod na bagyo ang nanalasa sa Bicol at nakaapekto sa produksyon ng abaca ay nanatili parin ang rehiyon bilang numero unong abaca producing region sa buong bansa.