CAMARINES NORTE- Problema pa rin ngayon sa Calaguas Island sa bayan ng Vinzons, Camarines Norte ang kawalan ng daungan ng mga bangkang naghahatid ng mga turista.
Kung- saan saan lang kasi ito dumadaong at itinatali kaya imbes na makapaligo ng maayos sa dagat at makapaglakad- lakad sa dalampasigan ang mga turista ay may mga pagkakataong napapatid umano ang mga ito.
Ang bagay na ito ay tinalakay sa isinagawang Maritime Stakeholders Meeting noong nakaraang linggo.
Aminado naman si Municipal Tourism Officer Florence Mago ng Vinzons na siya mismo ay nasaksihan ang ganitong sistema nang minsang pumunta sa isla.
Aniya mayroon nang kasunduan sa pagitan ng mga boat owner o operator at Philippine Coast Guard na kapag naibaba na ang mga turista ay iuurong ang bangka pero may mga hindi sumusunod.
Napag usapan na umano nila ng PCG na magpatawag ng pagpupulong kasama ang mga boat operators upang ipaalam na magtatalaga ang LGU ng lugar kung saan ibaba ang mga turista at kung saan din itatali ang bangka.
Nagbabala rin si Mago na hindi siya mag iisyu ng tourism pass sa mga matitigas ang ulo na hindi sumusunod sa kasunduan.
Sinabi naman ni Provincial Tourism Officer Mariano “Bong” Palma na ang problema talaga sa Calaguas Island ay ang kawalan ng daungan ng mga bangka.
Ang long term solution daw talaga sa problema ay kung magkakaroon ng port sa lugar.
Ayon naman kay Mago, mayroon nang pondo ang LGU para sa pagtatayo ng wharf na nanggaling sa Department of Transportation (DOTr).
Dahil dito inaasahang masosolusyunan na rin sa mga susunod na araw ang matagal ng problema sa isla.
