KORONADAL CITY — MULING isinailalim sa General Community Quarantine ang lalawigan ng Sultan Kudarat hanggang Hunyo 30 dahil sa patuloy na pagtaas ng aktibong kaso ng Covid-19. Ayon ito sa Executive Order #17, series of 2021 na inilabas ni Sultan Kudarat Governor Suharto Mangudadatu.
Sa ilalim ng EO, kinakailangan nang magpakita ng community quarantine pass ang mga residenteng lalabas para mamili ng kanilang mga pangangailangan.
Ang nasabing community quarantine pass ay ibibigay ng barangay, isang piraso sa bawat pamilya. Samantala, hahanapan naman ng Covid-19 vaccination card ang mga lalabas na senior citizen.
Inaatasan din ng nabanggit na EO ang bawat non-Covid-19 referral private hospital na maglaan ng 20 hospital beds para sa mga Covid-19 patients.
