Nagbabala si House Ways and Means chair at Albay 2nd district Rep. Joey Salceda na mananatiling mataas ang presyo ng isda at itlog sa buong taon bagamat tiniyak niya na ang inflation rate ngayong Pebrero ay posibleng bumaba kumpara noong nakaraang buwan.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Salceda na ang tanging paraan para bumaba ang presyo ng isda at itlog ay kung bumubuti na ang presyo at supply ng mais.

Ito umano ang nagtutulak sa mataas na presyo ng isda dahil ang mais ay nagkakahalaga ng 60 hanggang 70 percent ng mga gastos sa aquaculture.
Inulit niya ang kanyang naunang mungkahi na isaalang-alang ang corn tariffs upang madagdagan ang produksyon nito sa bansa.
Samantalang ang itlog ay pinalala naman umano ng problema sa supply ng manok at smuggling ng frozen chicken na pumapatay sa mga domestic raisers.//CA