Presyo ng asukal, inaasahang bababa sa pagdating ng 150K MT na imported sugar

Inaasahan na umano ang pagbaba ng presyo ng asukal sa bansa sa inaasahang pagdating ng inangkat na 150 thousand metric tons ng imported sugar kasabay na rin ng milling season ng mga local producers sa bansa.

Ayon kay Pablo Luis Alcoza, planters representative sa Sugar Regulatory Authority Board, na ang pagbaba ng presyo ng asukal ay unti-unting mararamdaman sa mga lokal na pamilihan.

Inaasahan ang pagbaba ng presyo sa pagdating ng fresh batch ng sugar products sa susunod na lingo.

Sa  datos ng Department of Agriculture (DA) noong unang bahagi ng Oktubre ay nagpakita na ang mga presyo kada kilo ay may average na P100 para sa refined sugar, P75 para sa washed sugar, at P80 para sa brown sugar sa Metro Manila.

Sa tantiya, bababa ang mga produktong asukal sa mga sumusunod na presyo: puti, P83; segunda, P77, at brown sugar sa P76. //MHEL PACIA