CAMARINES NORTE- Nababahala ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV sa kaliwa’t kanang ulat hinggil di umano’y nagaganap na vote buying ilang araw bago ang halalan.
Sa panayam ng Brigada News FM kay Mariz Bernardo, Diocesan Lay Coordinator ng PPCRV sa Diocese of Daet inihayag nito na simula pa noong nakaraang linggo ay may mga nakikita na silang post sa social media hinggil sa mahahabang pila ng mga tao at tricycle particular sa Diversion Road sa Baragay, Camambugan sa Daet.
Naniniwala rin sa Bernardo na palala nang palala ang stratehiya ng vote buying na nangyayari kada election na dapat na umanong mahinto.
Kung noon daw kasi ay simpleng sobre na may lamang pera ang istilo ng pamimili ng boto ng mga pulitiko ngayon umano ay pinapalabas na ang lahat ng binibigyan ng pera ay pollwatcher.
Aminado naman si Bernardo na mahirap mapatunayan ang vote buying dahil kailangang matibay ang ebedensya at dapat ay mayroong tatayong testigo at handang panumpaan ang kaniyang salaysay.
Kaugnay nito ay nanawagan ang PPCRV sa publiko na maging mapagmasid at huwag ibenta ang boto.
“Siguro panawagan namin maging mapagmasid tayo at saka kung pwede lang sana huwag nating ibenta ang boto natin kasi sabi natin sagrado ang boto natin, pag binenta kasi natin ang boto natin pag tumanggap tayo ng pera sa isang kandidato, pagnanalo yan at gumawa yan ng katiwalain wala kanang karapatan na usigin siya kasi binayaran ka na.”
Dagdag pa nito na ang vote buying at vote selling ay labag sa batas.
