Hinikayat ni Senator Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission o ERC na madaliin na ang pagsasaayos sa power distribution rate ng MERALCO.

Ang panawagan ng senador ay kasunod ng naging pahayag ni dating ERC chairperson Agnes Devanadera sa pagdinig sa Kamara na binayaran umano ng MERALCO ang mga gastusin ng mga ERC consultant na nagdedetermina sa weighted average cost of capital o WACC na may epekto sa power rates.
Isinisi ng mga mambabatas sa hindi pa rin nababago na power distribution rate kaya patuloy na tumataas ang singil sa kuryente.
Una nang sinabi ni Santa Rosa City Representative Dan Fernandez na ang hindi pa na-adjust na WACC ang pangunahing dahilan kung kaya ang singil sa kuryente sa Pilipinas ang isa sa pinakamataas sa mga bansa sa Asya.
Ang WACC ang susi sa pagkwenta ng distribution rates na sinasabing hindi na umano nabago ng MERALCO mula pa noong Asian financial crisis.
Iginiit ni Gatchalian na dapat tiyakin ng ERC na ang rates na ipinapasa ng mga distribution utilities sa mga consumers ay patas at tama.
Batay sa ERC schedule, ang final determination para sa ikalimang regulatory period rate reset para sa lahat ng distribution utilities ay sa March 2024.