CAMARINES NORTE- Inihayag ng Camarines Norte Electric Cooperative na makakatulong sa rate impact ng kuryente ang posibleng pagpasok sa lalawigan ng mga kumpanyang magsu- supply ng renewable energy.
Ayon kay General Manager Zandro Gestiada sakaling may mag offer at magkaroon ng karagdagang Power Supply Agreement (PSA) ang Canoreco maliban sa kasalukuyang supplier ay magkakaroon ng pagbabawas sa rate impact ng kuryente.
Sa ngayon kasi ay umaaray ang mga kunsomidores sa sobrang mahal ng bayarin sa kuryente na ang dahilan ay nauna nang ipinaliwanag ng Canoreco.
Ani Gestiada kung katanggap- tanggap ang magiging offer ng isang kumpanya base sa rate simulation ng Canoreco ay kanila itong ibi- blend at kahit papaano ay magkakaroon daw ng pagbawas sa impact ng kasalukuyang rate.
Pwede umanong kunin ng Canoreco sa mag- iinvest na power generation company dito sa lalawigan kung may kakulangan sa supply ng kasalukuyang supplier para mapunan ito.
Matatandaan naman na noong nakaraang buwan ay inihayag ni Governor Ricarte Padilla na mayroong ilang kumpanya ang nagpahayag ng interest na mag invest para sa renewable energy sa lalawigan.
Gayunman wala pang pinapasok na anumang pormal na kasunduan ang Provincial Government hinggil sa construction ng mga power plant para sa renewable source of energy.
Ayon sa Gobernador ang lahat sa ngayon ay nasa proseso pa ng pag- aaral.
Sa 2024 ay target umanong masimulan ang construction ng liquefied natural gas sa Jose Panganiban.
Kapag naisakatuparan ang proyekto ay kaya umano nitong mag- produce ng 300 megawatt nang kuryente na tiyak na makatutugon sa problema sa suplay.
Solar power plants naman ang planong itayo sa Calaguas island sa bayan ng Vinzons para magkaroon na ng 24/7 power supply dahil hanggang sa ngayon ay problema pa rin ang kuryente sa isla.
