Umaasa ang Public Office and Safety Division Cauayan City na maganda ang magiging resulta ng extension ng CGQ Bubble set up sa lunsod upang maipababa ang kaso ng COVID-19.
Ito ang inihayag ni POSD Chief Pilarito Malillillin sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Aniya, sa ilalim ng guidelines ng GCQ Bubble ay mananatili pa rin ang mga pangunahing panuntunan gaya ng maagang pagsasara ng mga business establishments sa oras na alas-7 ng gabi upang maiwasan ang paglabas ng mga tao.
Patuloy pa rin aniya ang istriktong pagbabantay sa mga border checkpoint papasok at palabas ng syudad kung saan kinakailangan ng negative RT-PCR test result sa mga non-resident, LSI o returning OFWs mula sa high-risk areas at magsasailalim sa mandatory triage.
Pinapaalalahanan din niya ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak na at huwag hayaang lalabas ng kanilang mga bahay.
Aniya, kahapon ay mayroon umano silang mga nahuling kabataan na edad 13 hanggang 15 anyos na ipapasakamay sana sa CSWD pero dahil holiday kaya ibinalik sa kanilang mga magulang.
Muli namang hinikayat ni POSD Chief Mallillin ang publiko na patuloy na sumunod sa public health protocols at pairalin ang disiplina sa sarili para makaiwas na mahawaan ng COVID-19.