Polisiya ukol sa selective deployment ng OFWs sa Libya, inirekomenda kasunod ng isinagawang congressional mission

Muling nabuhay ang pag-asang makapagpapadala ang Pilipinas ng mga manggagawa sa bansang Libya.

Sa ikinasang congressional mission sa Libya, sinabi ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at KABAYAN Party-list Representative Ron Salo na bumuti ang sitwasyon ng seguridad sa rehiyon at naging “stable” ang working environment para sa OFWs.

Ginanap ang produktibong diskusyon kasama ang Libyan government officials na kinabibilangan nina Labor Attache Ziad Amer Al-Said bin Ghadeer, Minister for Labor and Rehabilitation Ali Al-Abed, Deputy Minister for Health Samir Abdullah at mga opisyal ng Ministry of Oil and Gas at Department of Support and Development of Medical Services.

Kasama sa rekomendasyon ng Philippine Charge d’Affaires sa Tripoli na si Alan Roi Gabriola ang pagbuo ng polisiya para sa “selective deployment” na ang target ay ang mga sektor ng kalusugan, oil and gas, edukasyon at food manufacturing.

Paliwanag ni Salo, pinahahalagahan ang Filipino professionals sa Libya lalo na ang mga nurse at teacher hindi lamang dahil sa kaalaman kundi sa kanilang dedikasyon at abilidad na iangat ang mga komunidad na pinaglilingkuran.

Tinalakay din sa diplomatic visit ang pagresolba sa mga isyu ng hindi nababayarang sahod ng Filipino nurses, discrepancies o agwat sa kompensasyon kumpara sa ibang nationalities at employee-covered fees.

Kasunod nito, isusumite ang assessment report na naglalaman ng findings at kasunduan mula sa misyon sa Department of Migrant Workers, DFA at kay House Speaker Martin Romualdez upang makatulong sa evaluation ng umiiral na deployment ban sa Libya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *