Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na handa ang kanilang hanay para bantayan ang voter registration para sa 2022 polls.
Ito ay matapos na palawigin ng Commission on Elections (Comelec) ang registration hours para mag-accommodate ng mas maraming aplikante.
Sa isang statement, sinabi ni PNP chief General Guillermo Eleazar na bahagi ng responsibilidad ng kapulisan tuwing election season na tiyaking maayos at matiwasay ang lahat ng aktibidad na may kinalaman sa halalan.
Kasabay nito, sinabi rin ng PNP chief na ang mga tauhang itinalaga para magbantay sa voter registration ay dapat sumunod sa minimum public health safety standards at quarantine protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Maliban dito, ipinag-utos na rin ni Eleazar sa mga police offices sa ground na makipag-coordinate sa local government units kaugnay ng safety measures.
Pinatitiyak ng hepe ang strategic at balanced deployment ng mga pulis dahil may mga naka-deploy din sa vaccination sites.
Mababatid na pinalawig ng Comelec ang registration schedule mula alas 8 ng umaga hanggang alas 7 ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes mula sa dating alas 8 hanggang alas 5 ng hapon lamang.
