PNP, nasa final stage na sa paghahanda para sa SONA ng Pangulo

Nasa final stagena ang paghahanda ng Philippine National Police sa ilalatag na seguridad sa idaraos ang ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa July 22.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Col. Jean Fajardo, walang anumang seryosong banta silang namomonitor subalit hindi sila magpapaka-kampante rito.

Kasunod niyan, mariing pinabulaanan ni Fajardo ang mga kumakalat na balitang may namumuong destabilisasyon sa administrasyon at sa katunayan ay nagpapatuloy ang intelligence sharing ng iba’t ibang law enforcement agency.

Gayunman, nilinaw ni Fajardo na ang tinututukan ng PNP ay ang latag ng seguridad sa labas ng Batasang Pambansa.

Una nang inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na aabot sa mahigit 22 libong Pulis at Force Multipliers ang ipakakalat sa nasabing okasyon.

Mula sa nasabing bilang, sinabi ni Fajardo na aabot sa 5 hanggang 6 na libong Pulis ang itatalaga sa paligid ng Batasan para naman tumulong sa pagmamando ng trapiko gayundin ay para bantayan ang mga “no rally zone”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *