Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y pagsasailalim sa lahat ng kanilang units sa full alert dahil sa umano’y “destabilization” plot sa militar.
Ayon kay PNP spokesperson Jean Fajardo, walang katotohanan sa memorandum na kumakalat online na itinaas ang pinakamataas na alerto sa gitna ng isyu sa Armed Forces of the Philippines (AFP) headquarters sa Camp Aguinaldo.
Sa halip, kinumpirma ni Fajardo, na naka-hightened alert ang PNP para sa Pista ng Itim na Nazareno ngayong araw.

Nabatid na may mga larawan din umanong kumakalat ng armored vehicles sa loob ng PNP headquarters sa Camp Crame, pero paglilinaw ni Fajardo, na bahagi lang ito ng seguridad para sa pista ng Black Nazarene.
Sinasabing ang kopya ng tila police memo na nagpapakita ng full alert order ay isinagawa sa harap ng resignation ng lahat ng personnel ng Department of National Defense sa Camp Aguinaldo. //MHEL PACIA