Pabor ang Philippine National Police (PNP) na i-criminalize ang pagpapakalat ng fake news.
Kasabay nito, nais ng PNP na magkaroon ng mas malinaw na nilalaman ang panukalang batas upang maiwasan ang lapses at posibleng alegasyon ng pag-abuso.
Ayon kay PNP Criminal Investigation and Detection Group deputy chief Brig. Gen. Sydney Villaflor, bagama’t sang-ayon siya sa Senate Bill 1296 na mag-aamyenda sa Cybercrime Prevention Act of 2012, kailangan umanong nakasaad sa panukala ang epekto ng fake news.
Sinabi rin ni Villaflor na hindi lamang mga fake news na naglalayong sirain ang katotoohan at i-mislead ang mga tao ang dapat makikita sa prohibisyon.
Kailangan din umanong isama ang detalyadong epekto bilang karagdagang elemento sa panukala.
Sa huli, iginiit ni Villaflor na kailangang i-criminalize ang ganitong uri ng gawain lalo na kung ang naturang impormasyon ay magiging banta sa seguridad at buhay ng isang tao.