CAMARINES NORTE- Isa- isang pinahinto ng mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group ang mga dumaraang sasakyan kaninang umaga sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Camambugan dito sa Daet.
Lahat ng uri ng dumaraang sasakyan pribado man o pampasahero kasama na ang mga tricycle at motorsiklo ay pinapahinto hindi upang hulihin kundi para bigyan ng tsokolate ngayong araw ng mga puso.
Ayon kay Police Executive Master Sergeant Renita Quilas ang team leader ng grupo, tatlong taon na umano nila itong ginagawa tuwing Valentine’s Day pero ito ang unang pagkakataon na namigay sila ng tsokolate.
Dati raw kasi ay bulaklak ang kanilang ipinamimigay.
Ayon kay Quilas nais umano nilang iparamdam sa mga driver na hindi lang puro panghuhuli ang HPG.
Kahit sa ganitong pamamaraan aniya ay maiparamdam ng HPG ang pagmamalasakit sa mga driver.
“Ang pinaka essence nito ay maiparamdam namin sa driver na hindi lang kami puro panghuhuli, kahit sa ganitong pamamaraan maiparmdam namin ang pagmamalasakit namin sa kanila,” ani Quilas.
Pinapaalalahanan din nito ang mga driver at pasahero na patuloy na sundin ang health protocols kontra COVID- 19.
Ilan kasi sa mga ito ay nasita dahil sa hindi pagsusuot ng face mask.
Ilang driver ang aminadong kinabahan ng masita pero napawi ang kanilang pangamba nang iabot na sa kanila ang tsokolate.
