Nanindigan ang Philippine National Police na hindi naman labis-labis ang bilang ng mga itatalagang security forces para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kauna-unahang State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ito ang naging reaksyon ni PNP Directorate for Operations Maj. Gen. Val de Leon sa pambabatikos ng ilang mga grupo kung saan ay tinawag ng mga ito na ‘overkill’ na ang itatalagang higit sa 21,000 mga personnel para sa SONA.
Ayon kay de Leon, mas mabuti na aniyang handa ang mga Kapulisan laban sa mga posibleng banta sa SONA ni Marcos.
Baka nga raw naman kasi may mangyaring hindi inaasahan, tapos babatikusin naman ang mga pulis dahil wala silang sapat na personnel.
Samantala, sa hiwalay naman na panayam, nilinaw ni NCRPO Spokesperson Lt. Col. Jenny Tecson na ang 21,000 security personnel ay hindi naman tanging sa Batasang Pambansa Complex lamang ang deployment.
Paliwanag ni Tecson, ipakakalat ang naturang bilang sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila pati na rin sa 34 na mga border controls na ilalatag sa Central Luzon at CALABARZON.
Sa ngayon, inatasan na umano ng pamunuan ng PNP ang QCPD para makipag-dayalogo sa mga raliyista.
Sa pamamagitan ng dayalogo, matutukoy umano ang ‘haflway’ area na mapagkakasunduan para sa mga lugar na pagdarausan ng rally.
#