PNP bumuo ng special investigation task force para sa isang POGO hub sa Pasay City

Bumuo ng special investigation task force ang PNP- Internal Affairs Service para imbestigahan ang Pasay City Police Station na sangkot umano sa kapabayaan kaugnay sa nangyaring raid sa isang unlicensed online gaming hub sa lungsod kamaikailan.

Inatasan ni IAS Inspector General, Atty. Alfegar Triambulo, ang SITF na magsagawa ng mabilis at malalimang imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyon ng human trafficking at prostitusyon sa POGO hub na hindi raw natuklasan ng mga tauhan ng Pasay City police

Kabilang sa isasailalim sa imbestigasyona ang Chief of Police ng Pasay CPS at mga pulis na nakatalaga sa Pasay City sub-station na malapit lamang sa F.B. Harrison at Williams Streets, kung saan naganap ang raid sa Smart Web Technology Corp.

Ang aksyon ng PNP-IAS ay makaraang manawagan si Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. ng imbestigasyon at inirekomenda na matanggal sa pwesto ang commander at mga tauhan ng police sub-station.

Sa isinagawang raid, nadiskubre ang ilang pasilidad, kabilang ang mga kwarto, KTV area, spa na nag-aalok ng ilegal na serbisyo, clinic, canteen, mini-grocery store, at silid na tinatawag na aquarium kung saan umano namimili ang mga dayuhan ng babae.

Nadiskubre rin ang torture chamber na pinaniniwalaang ginagamit mga Chinese sa mga nagkakaatraso sa kanila.

Nasagip naman sa operasyon ang pitong Pinoy at dalawang foreign national na umano’y sexually trafficked.

Natuklasan din ng mga awtoridad ang 731 manggagawa sa ginawang raid sa lugar. Ang mga manggagawa ay pinaghalong dayuhan at Pilipino.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *