Batangas City – Nagpahayag ng pangamba ang environmental group na Philippine Movement for Climate Justice matapos sumabog ang isang liquified natural gas o LNG tanker sa Batangas City.
Batay sa ulat ng grupo, naganap ang pagsabog matapos tamaan ng kidlat ang ilang kargamento sa tanker na nakaangkla sa First Gen’s operating site sa Brgy. Sta. Clara Ilaya.
Dahil sa pagsabog, kumalat ang usok mula sa tanker sa mga karatig na lugar na para sa grupo, ito’y lubhang mapanganib.
Bagama’t naapula agad ang apoy, sinabi ng Philippine Movement for Climate Justice, malaki ang naging epekto nito sa mga residente.
Kaugnay nito, may ilang residente ang anila’y patuloy na naaapektuhan ng LNG power plants sa nasabing lugar.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang lokal na pamahalaan sa insidente.
Ayon kay Reydel Panopio, head ng Philippine Movement for Climate Justice Batangas Unit, hindi ito ang unang beses na nanahimik ang kanilang opisina sa reklamo ng mga residente at patuloy pa rin silang mananawagan sa agarang pagkilos sa mga ganitong panganib.
Sa kasalukuyan, may limang LNG power plants ang Batangas.