Naabot na ng Pilipinas at Japan ang “golden age” sa usapin ng pagkakaibigan at kooperasyon.
Ito ang inihayag ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa kanyang halos tatlumpung minutong address sa special joint session sa House of Representatives ngayong araw.

Sumentro ang talumpati ng Prime Minister kung gaano na katatag ang relasyon ng dalawang bansa sa mga nakalipas na dekada kung saan sa taong ito ay ipinagdiriwang din ang ikalimampung anibersaryo ng kooperasyon sa pagitan ng Japan at ASEAN.
Inisa-isa rin ni Kishida ang mga napagtagumpayan ng isinulong na kooperasyon mula sa security at defense, economy at investment at kooperasyon sa global issues.
Muli namang iginiit ng Prime Minister na pagtitibayin ng multi-layered cooperation sa magkakaalyadong bansa ang pagkakaroon ng malaya at bukas na international order na naka-angkla sa rule of law.
Sa katunayan, pangungunahan umano ng Japan ang international community sa pagtataguyod ng kooperasyon sa halip na pagkakawatak-watak at komprontasyon.
Sa pamamagitan ng “Free and Open Info-Pacific” plan na mayroong apat na haligi, inilahad ni Kishida na mapapanatili ang basic principles para sa tunay na kapayapaan at kasaganaan.
At dahil naikasa na ang trilateral cooperation sa pagitan ng Pilipinas, Japan at Estados Unidos sa South China Sea, siniguro ni Kishida na poprotektahan ang maritime order na pinamamahalaan ng batas at hindi dadaanin sa dahas.
Sa huli, naniniwala ito na ang malalim at mahabang kasaysayan ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan ay pinagyayaman ng “heart-to-heart relationship at people-to-people connection”.