BNFM BICOL— Nanawagan ang pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes sa lahat ng mga medical students, nurses at iba pang medical professionals sa probinsya na mag volunteer at makiisa sa bubuoing bagong vaccination teams para mas mapalakas at mapabilis ang vaccination effort sa isla.
Hinihikayat ng provincial government ang lahat ng mga naturang medical frontliners mula sa mga private hospitals at clinics maging ang mga personahe ng PNP; BFP at DepEd na may kaalaman sa medisina na mag sign up sa kani-kanilang respetibong RHUs o kaya naman online upang mapabilang sa mga vaccination teams na mangangasiwa ng bakunahan sa lalawigan.
Nabigyan na rin ng direktiba ang mga RHUs at mga district hospitals na magbigay ng assistance sa mga indibidwal na nais mag volunteer at makiisa sa nasabing apela ng lokal na pamahalaan.
Isa kase umano sa mga natalakay sa pagpupulong ng Provincial IATF nitong nakaraan, ang tungkol sa bahagyang pagbagal ng vaccination drive sa isla bunsod ng kakulangan ng manpower dahil karamihan sa mga health workers ay nahahawaan ng COVID-19 o kaya naman ay kinakailangang mag quarantine matapos na maging close contacts ng taong carrier ng virus.
Oras na maging sapat na umano ang bilang ng mga volunteers ay agad din na sisimulan ang pagbuo ng bagong vaccination team na mangangasiwa sa nagpapatuloy na vaccination roll out.###