Pitmaster inihayag na nagbigay ng P100-M sa COVID-19 response ng gobyerno

Kinumpirma ng Pitmaster Foundation na aabot na sa P100 million cash at testing kits sa 17 LGUs ng Metro Manila, kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Health at Department of the Interior and Local Government ang naibigay nila bilang suporta sa pandemic response nito.

Ayon kay Pitmaster Foundation Executive Director Caroline Cruz ito ay corporate social responsibility unit ng e-sabong operator na Lucky 8 Star Quest.

Maliban dito libo-libong COVID-19 homecare kits din sa pinakamahihirap na pamilya sa Metro Manila ang ipinamahagi ng kumpanya.

Malaking tulong umano ito para mabawasan ang bilang ng mga pasyente sa ospital, lalo na noong kasagsagan ng pagdami ng kaso dahil sa iba’t ibang COVID-19 variants.

Magugunitang hindi pinakinggan ng Palasyo at PAGCOR ang rekomendasyon ng ilang senador na suspendihin ang mga e-sabong operations dahil sa kontribusyon para pondohan ang mga programa ng pamahalaan.