NAGA CITY –Papalapit na ang kampanya sa mangyayaring Barangay at SK Elections ngayong darating na October 30 na kung saan batay sa COMELEC schedule ang campaign period ay magsisimula sa October 19 at magtatapos October 28.
Asahan na ang mas pinaigting pang seguridad na ibibigay ng Phil. National Police at ng Phil. Army para matiyak na walang karahasang mangyayari sa rehiyon, lalo na sa mga lugar na kinokonsiderang may isyu ng insurgency.
Sa panig ng 9th Infantry Division Phil Army, sinabi ni Spokesperson Army Major Frank Roldan na wala namang mababago sa schedule nila, tuloy pa rin ang mga programa at aktibidad ng mga sundalo, kabilang na ang combat operation.
Ayon sa kanyang pahayag sa Brigada News FM Naga, sinabi ni Roldan na kailangan na hindi mawala ang anumang community services nila para tuloy din na mabantayan at mabigyan ng proteksyon ang mga nasa malalayong barangay.
Kinumpirma niya na dahil nga sa election time ngayon, may mga naitatala silang extortion activities ng mga armadong grupo sa ilang lugar doon sa Albay at Masbate.