LEGAZPI CITY – Wala pang nakikitang dahilan o anumang indikasyon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) upang tuluyan na ring ibaba sa alert level 1 ang status ng Bulkang Mayon.
Kasunod ito ng pagbaba ng PHIVOLCS sa alert level 2 ng bulkan mula sa alert level 3 makaraang makitaan ng pagbaba sa mga parametro nito sa loob ng halos dalawang linggo mula noong magtatapos ang buwan ng Nobyembre.
Ito ang inihayag ni Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis sa Brigada News FM Legazpi.
Aniya, kahit pa kasi ibinaba na ang alert level status, posible pa ring magkaroon ng maliliit na pagsabog ang bulkan at patuloy pa rin itong nagkakaroon ng abnormalidad.
Ito rin umano ang dahilan kung bakit patuloy nilang inirerekomenda ang pagdistansya sa six kilometers permanent danger zone.
Kahit pa kasi nasa alert level 0 ang isang bulkan, mayroon pa rin itong posibilidad ng phreatic eruption kaya’t hindi pa rin nakasisigurong ligtas sa mga lugar na malapit dito.
Matatandan, noong Disymebre 8, ibinaba ng PHIVOLCS sa alert level 2 ang bulkan dahil sa naobserbahang pagbaba ng mga parametro katulad ng pagbaba ng seismicity o bilang ng mga lindol na nagmumula rito, pagkonti ng mga lava na lumalabas sa crater, bahagyang paghina ng pamamaga ng bulkan at paghina o pagbawas ng sulfur dioxide na inilalabas nito.