Binigyang diin ng abogado nina Pharmally Pharmaceutical executives Mohit Dargani at Linconn Ong na mas pipiliin umano ng kanyang mga kliyente na manatili sa kulungan, kaysa makipagtulungan sa imbestigasyon ng Senado.
Mababatid na ang dalawang opisyal ay inilipat sa Pasay City Jail mula sa Senate detention, matapos na tumangging magsumite ng financial documents na hinihingi ng mga mambabatas.
Ang mga ito ay may kaugnayan sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y maanomaliyang transaksyon ng Pharmally sa gobyerno, para sa suplay ng medical goods sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa mga senador, ang pagtanggi na makipagtulungan ng Pharmally officials ay maaring magdulot ng jail time na hanggang sa June 30, 2022.

Sinabi ng counsel ng dalawa na naniniwala ang kanyang mga kliyente na ang naturang proceedings ay para lang sa demolition ng kasalukuyang administrasyon.