SORSOGON CITY – Tiniyak ni Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO)-Sorsogon OIC Tito Migo na walang nangyayaring anomaliya sa mga kahoy na kanilang nakukumpiska sa kanilang mga isinasagawang operasyon at panghuhuli.
Pahayag ito ng opisyal sa harap ng mga espekulasyon na mga empleyado ng PENRO-Sorsogon ang nakikinabang sa mga nakumpiskang kahoy.
Ayon dito, ang nasabing mga kahoy kapag kanilang ibinibenta ay dumadaan sa legal na proseso ng bidding kung saan ang halagang pinagbentahan ng mga ito ay napupunta sa mga kinauukulang ahensya.
May mga pagkakakataon din umano na ang mga kahoy ay kanilang ibinibigay sa mga government agencies para magamit sa konstruksyon ng mga pasilidad katulad ng classrooms at iba pa.
Sa huli, sinabi ng opisyal na dahil wala naman umano silang itinatago kung kaya ang kanilang tanggapan ay laging bukas para sa mga nais silipin ang kanilang rekord kaugnay ng nasabing bagay.
