Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang isang 40-anyos na lalaki na “pekeng” feng shui expert na nagnakaw umano ng mahahalagang bagay sa kanyang mga kliyente at nanghingi ng pera kapalit ng kanyang serbisyo.
Inihain ng mga operatiba ang warrant of arrest kay Ivan Borromeo na inilabas ng QC Regional Trial Court-Branch 226 para sa mga kasong estafa at pagnanakaw.
Base sa ulat, nakakuha umano ng P50 milyon si Borromeo sa kanyang mga biktima mula pa noong 2015.
Lumabas din sa imbestigasyon, na nagkukunwari itong feng shui expert upang biktimahin ang mga indibidwal na palihim niyang kinukuhanan ng mga personal na gamit gaya ng alahas.
Samantala, nagpaalala naman ang QCPD sa publiko na manatiling mapagmatyag sa mga taong hindi gaanong kakilala, lalo na kung ang usapin ay may kinalaman sa mahahalagang bagay tulad ng alahas at pera.