Ipinaliwanag ng Presidential Communications Office (PCO) ang kumakalat na video kung saan makikita ang isang indibidwal na may iniabot na bagay kay Pangulong Bongbong Marcos habang nasa isang pagtitipon.
Sa clarification video na ipinost sa Maging Mapanuri Facebook page, nilinaw na ang iniabot na bagay ng isang sibilyan na nag-aantay makapagpa-selfie sa Pangulo ay isang lapel pin na may simbolo ng kanilang partidong pampulitika.
Sinabi pa ng PCO na ginagamit lang ng ilang indibidwal ang mga ganitong uri ng content upang magpalaganap ng maling naratibo.
Dahil umano sa pagputol at pag-blur sa video at pagbibigay ng maling konteksto, naglitawan ang samu’t saring haka-haka mula sa netizens, kabilang na ang ilang nagsabi na ang iniabot na bagay ay isang sachet na may lamang “white substance”.
Kaugnay dito, hinikayat ng PCO ang publiko na mag-isip, magsaliksik, alamin ang buong kwento, obserbahan ang mga detalye, at huwag magpaloko sa fake news.