Nagpaabot ng pagbati si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa simbahang katolika kaugnay sa Kapistahan ng Immaculate Conception.
Sa isang pahayag sinabi ng Pangulo na muling balikan ang ating dahilan sa paghahanap ng bokasyon sa diwa ng walang kundisyong pagsunod at pagmamahal.
Naniniwala umano si Marcos na bagama’t walang katiyakan ang mga darating na araw, mauunawaan ng mga Filipino ang kalooban ng Diyos at ang layunin sa likod ng mga paglalakbay na may pananampalataya.
Inihalimbawa din nito si Birheng Maria, na bukas-palad na ibinigay ang sarili sa panginoon nang hindi umaasa ng anumang kapalit.

Dagdag pa ng Presidente na habang hinahayaan nating hubugin ng ating mga karanasan ang ating kasaysayan at akayin tayo sa pagkamit ng mga mithiin ng bansa, dapat umanong ilagay ang tiwala sa Maykapal at magtiwala sa isa’t isa.
Hinimok din ni Marcos ang lahat na sama-sama asamin ang mga pangako ng isang mas maliwanag at mas komportableng kinabukasan habang nagsusumikap at nananalangin para sa patnubay patungo sa daan ng kaunlaran upang matiyak ang magandang kinabukasan para sa ating mga pamilya, kapwa, at lahat ng Pilipino.
Umaasa naman ang Pangulo na magkaroon ng makabuluhan at solemn na paggunita sa Feast of Immaculate Conception.
#
