Pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si United Arab Emirates (UAE) President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan sa pagbibigay ng humanitarian pardon sa tatlong convicted Filipinos, dalawa sa kanila ay nasa death row at nagsisilbi na sa kanilang sentensiya sa emirate state.
Sa pamamagitan ng isang telephone call, nagpasalamat si Marcos sa pagtugon sa kanyang kahilingan. Noong April 27 nang hiniling ng Pangulo sa UAE government na bigyan ng pardon ang tatlong Pilipinong bilanggo sa dalawang magkahiwalay na liham.

Dalawa sa mga ito ang nasa death row dahil sa drug trafficking at 1 ang nahatulan ng 15 taong pagkakakulong dahil sa paninirang-puri o slander
Binanggit naman ng Pangulo ng UAE ang mahalagang kontribusyon ng humigit-kumulang 600,000 Pilipinong nagtatrabaho sa UAE.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang Pangulo sa ibinigay na tulong ng pamahalaan ng UAE para sa mga biktima ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.