Park Seo Joon, kumpirmado na mapapabilang sa MCU

Kinumpirma ng Awesome ENT na magiging bahagi ang Korean star na si Park Seo Joon ng Marvel Cinematic Universe, sa gitna ng nakatakda nitong paglabas sa bagong Marvel Studios film.

Gayunman, nanatiling tikom ang talent agency ng 32-anyos na aktor kung ano ang magiging title ng pelikula nito at kung sinong Marvel character ang kaniyang gagampanan.

Una nang napaulat na magiging bahagi ang aktor ng “The Marvels,” na sequel sa “Captain Marvel”.

Mababatid na kilala ang aktor para sa mga sikat nitong roles sa Korean series na “What’s Wrong with Secretary Kim,” “Fight for My Way,” “Itaewon Class,” at “She Was Pretty”.

Dati nang bumisita si Park sa Manila noong September 2019, kung saan ay nagsagawa siya ng fan meet sa Mall of Asia Arena matapos siyang mapili bilang celebrity endorser ng isang local clothing brand.

Sa parehong taon rin ay nag-post ng video ang aktor sa kaniyang Youtube channel na nagpakita sa kaniyang paglilibot sa isang mall sa Makati City.