Paring sangkot sa gulo sa isang parokya sa Tondo, Maynila – sinuspinde na

Sinuspinde ng Arsobispo ng Maynila ang paring nasangkot sa komosyon sa isang parokya sa Tondo, Maynila na nag-ugat sa umano’y pagsisiwalat nito ng korapsyon laban sa ilang kaparian.

Sa inilabas na statement ng Roman Catholic Archbishop of Manila na may lagda ng Chancellor na si Father Isidro Marinay, epektibo ang suspensyon ng Parochial Administrator ng St. Joseph Parish Gagalangin na si Reverend Father Alfonso Valeza kahapon, June 5.

Ipinunto ng Archdiocese of Manila na paulit-ulit na sumuway si Valeza sa mga utos at babala kaya pagbabawalan muna ito na pangunahan ang selebrasyon ng mga sakramento.

Dahil sa suspensyon kay Valeza, papalit sa simbahan ang parish administration team ng Archbishop of Manila na kinabibilangan nina Reverend Father Reginald Malicdem, Father Nolan Que at Father Gilbert Kabigting.

Hinimok naman ng Arsobispo ang mga mananampalataya sa St. Joseph Parish na tumalima sa desisyon at makipagtulungan sa parish administration team.

Nauna rito, nagkaroon ng komosyon sa loob ng parokya sangkot sina Father Valeza at Novaliches Bishop Antonio Tobias matapos ang mainit na pagtatalo hinggil sa pagpapaalis sa parochial administrator dahil umano sa mga akusasyon nito ng katiwalian laban sa ibang pari.

Iginiit ni Valeza na tinangka umano siyang sakalin ni Bishop Tobias, ngunit ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines ay pinakakalma nito ang mas batang pari kasabay ng pag-amin na walang naging maayos na turnover ng parokya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *