Umapela si Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera sa Kamara na aksyunan na ang panukalang batas na magpapaigting sa road safety at traffic efficiency sa mga tollway at expressway.
Nakabinbin pa kasi sa Committee on Transportation ang House Bill 8161 na inihain ni Herrera noong nakaraang taon na layong ituring na traffic violation ang hindi pagbabayad ng toll fees at pagmultahin ang mga lalabag.
Ayon kay Herrera, nagsisilbing “lifelines” ng transportation network ang mga expressway at tollway kayaa marapat na tiyaking ligtas, epektibo at accessible.
Napapanahon na aniya ang modernisasyon ng toll systems at pagpapatupad ng traffic rules upang protektahan ang mga motorista.
Bukod sa mas mabigat na multa mula isanlibo hanggang limanlibong piso at pagkakasuspinde ng driver’s license, isinusulong din ng panukalang batas ang Open Road Tolling at Multi-Lane Fast Flow tolling para sa automated cashless toll collection.
Dagdag pa ng kongresista, karaniwang nagsisikip ang trapiko at nagdudulot ng aksidente ang pag-iwas sa pagbabayad ng toll kaya tinitiyak ng panukala na masusugpo ang “habitual offenders”.